Martes, Setyembre 22, 2015

"Tanging Ala-ala Nalang"


Pamana ‘nyong pagtula ay aking naging inspirasyon 
Laging nakasulyap itong isipan ko’y nakatuon 
At pangako pong sa limot ito’y hindi mababaon 
Maituturing kong kayamanan sa habang panahon

Habang noo’y lumalagaslas ang malakas na ulan 
Ang putol putol ‘nyong tinig ay ‘di ko naintindihan 
Tanging malinaw kong narinig dadalhin ng ospital 
Ang iyong inay nakahandusay at wala ng malay

Huli ninyong mensahe ngayon ko lang naintindihan 
Kayo pala itong mawawalan ng malay at buhay 
Gabi’y binasag sa balitang kayo’y nasagasaan 
Nang humaharorot na tricycle at basta iniwan

Maraming natulala sa balitang nakakabigla 
Sa dahilang ang buhay nyo’y naglaho na parang bula 
At wala kaming nagawa kundi ipatak ang luha 
At banggiting Panginoon Ikaw na Po ang bahala

Ang nilakbay ‘nyong buhay ay dumating na sa hangganan 
Mga lungkot ‘nyong nadarama’y napawi ng tuluyan 
Ang paghihirap nyo’y napalitan ng kaligayahan 
Ang pagal ‘nyong katawan, binigyan ng kapahingahan

May bigat at kirot sa ‘king dibdib ang inyong pagpanaw 
Kaming inyong mga anak na sa inyo’y nagmamahal 
Ang tulang hinabi mo sa dibdib mo’y sadyang bumukal 
Nakahanda kang kami’y inyong iiwan ng tuluyan.

At sa aking pag uwi sa probinsya kapagka minsan 
Sino pang ama ang sasalubong sa aking pagdatal 
Na tila ang saya at tuwa ko’y wala ngang pag sidlan 
Sa pananabik na muling kayo’y makaka kwentuhan

Sino ngayon doon ang amang aking pagbibidahan 
Nang kung ano anong buhay na aking nararanasan 
Na sa bawat aking nakakamit na saya’t tagumpay 
Laging nakangiti’t naluluha sa kaligayahan

Maraming bagay ngayon ang aking hinahanap hanap 
Ang inyong pangungumusta at ang lagi ninyong pagtawag 
Ang pagbabalita ng kung anong anong nagaganap 
Sa pag aalaga kay inay na kayo ang naganap

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento